Sunday, October 19, 2008

















Naghihirap nga ba ang mga Pilipino?


Sa tuwing makikita kong madalas puno ang mga shopping malls, mga fastfood, mga nagmamahalang bilihan at kainan, hindi ko maiwasang isipin at itanong, naghihirap nga ba ang mga Pilipino?
Ayon sa National Census and Statistics Office, anim sa sampung mga Pilipino ay mahirap. Kaugnay nito ang pag-aaral na ginawa ng University of Asia and the Pacific, na kung saan lumabas sa resulta na walo sa sampung mga Pilipino ay mas mababa pa sa poverty line. Maging sa mga dyaryo, na ang karaniwang laman ay napapatungkol sa kahirapan sa Pilipinas. Pinaguusapan at hindi nawawala ang topikong ito kahit sa telebisyon, radio at iba pang porma ng media. At kung iyong kukunin ang pananaw o perspektibo ng isang estudyante tungkol sa kanyang bansang Pilipinas, maaaring kahirapan pa din ang kanyang maisip sapagkat maging sa mga paaralan, ang kahirapan, krisis at represyon ang mga imahe ng bansa na ipinapakita at tinuturo dito.
Sa ating kasalukuyang panahon, hindi na lamang daw limitado ang salitang “kahirapan” sa mga taong nakatira sa mga squatters are o sa mga kapus-palad na magsasaka, maging ang mga tinatawag na “professionals” sa lipunan ay maaaring nakakaranas na ng kahirapan.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng kahirapan at ano ang mga manipestasyon nito sa isang tao?
Kadugtong….
Ang isang tao ay masasabing mahirap kung kumakalam na ang kanyang sikmura at wala siyang kakayanang makakain ng tatlong beses isang araw, hindi siya makabili ng gamit kasuotan na maayos, wala siyang kakayanang bumili ng gamot para sa kanyang sakit at makapagpatingin sa doctor sa kanyang malubhang karamdaman, wala siyang maayos na tirahan at kumportableng lugar na tinutuluyan. Kasama na din dito ang kakayahan ng isang tao na makatuntong sa paaralan. Ang isang magulang na hindi maibigay ang lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya ay masasabing “mahirap” din. At ang isang taong nabaon sa utang ay walang dudang humaharap sa matinding krisis pinansyal. Ilan lamang ito sa mahabang listahan ng madaming mukha ng kahirapan. Sinasabi din nila na kaya naghihirap ang mga Pilipino ay dahil sa nahaharap sa matinding krisis ang bansa. Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na siyang patuloy na pagpapahirap sa mga mamimili. Ngunit paano maipapaliwanag ng mga litrato sa taas ang paghihirap na nararanasan ng mga tao kung may kakayanan naman silang pumunta sa ganitong mga lugar? Tunay nga bang naghihirap ang mga Pinoy?
Nasabi minsan ng isa kong guro na hindi naman niya nararanasan ang ilan sa mga nabanggit kong manipestasyon ng kahirapan ngunit tinuturing pa rin niya ang sarili na mahirap sapagkat madami pa siyang mga bagay na gusto at hanggat hindi pa niya ito lahat nakukuha, mananatili siyang mahirap. Ito ang mga bagay liban sa mga pangunahing pangangailanagn niya. Ito marahil ay isang magandang punto na magtuturo sa tunay na kasagutan ng tanong kung naghihirap ba talaga ang mga Pilipino.
Ang tao ay likas na naghahangad ng mga bagay na higit sa kanyang kailangan. Walang hanggan ang kanyang paghahangad ng mga bagay na sa tingin niya magpapasaya sa kanya. Tulad ng isang pulitiko na may kaya naman sa buhay ngunit nakukuha pang pagnakawan ang kaban ng bayan dahil sa pansariling interes.
Kung matutututo lamang ang tao na makontento sa kung ano meron sila, wala na sigurong tao na magsasabing “mahirap” ang kanyang buhay.
Lagi nating sinasabi na mahirap ang ating bansa, pero kung titingnan natin ang ating mga natural resources o kayamanan at mahusay na mapagyayaman ito, ay maaaring sapat na ito para buhayin ang mga nakatira dito.
Walang masama sa paghahangad ng mga bagay na wala sa atin ngunit matuto tayong magpasalamat at pagyamanin ang mga bagay na meron tayo.

Eva Hannah Agneta P. Agres
POSC 1- B

No comments: