Tuesday, October 21, 2008

SARDINAS at PANCIT CANTON - Mark Anthony Dela Cruz




Ako si Mark Anthony de Leon Dela Cruz. Mark ang tawag ng iba, pero MaAn ang tawag ng mga ka-close ko. Batotoy naman sa mga kapit-bahay. Araw-araw akong umuuwi sa Calamba kaya naman notorious late comer ako sa mga klase. Kabilang ako sa mga esudyante na nag-aaral lang kapag may exam at gumagawa ng papers kapag malapit na ang deadline. Mas gusto kong magsulat sa wikang Filipino para mainggit ang mga hindi nakakaintindi nito. Pero hindi ako magaling magsulat, palaging duguan ang mga papel ko kapag ibinabalik sa akin ng mga instructor. Naaaliw ako sa paggawa ng mga reaction papers pero mukhang ako lang talaga ang naaaliw, hindi ang mga bumabasa. Mas naaliw sila sa mga horoscope ko na pawang kathang-isip lang at hindi regular ang isyu.

At dahil nga walang hilig sa akin ang pagsulat, paminsan-minsang nawawala ang unity and coherence ng aking mga akda, naliligaw kung saan-saan ang usapan, tulad ng pagkaligaw ng mga kartero sa lugar namin dahil walang numero ang mga bahay. Hindi mo pwedeng gawing palatandaan ang sari-sari store dahil may tindahan sa bawat ikatlong bahay. Halos wala na ring kinikita ang mga tindahan pero dahil nga uso, may tindahan din kami. School-bahay lang ang ruta ko araw-araw, tamad kasi akong gumala. Labis itong ikinatutuwa ni Mama, dahil taga-bantay ako ng tindahan. Bagamat marami ngang may di-malugi-luging tindahan, saksi ako kung gaano kabilis maubos ang sardinas at pancit canton na tinda namin. Bukod sa paboritong butasin ng mga daga ang Lucky Me, madalas na ito ang laman ng sikmura (dahil walang mesa) ng mga suki namin na wiling-wili sa pangungutang maya’t maya. Makakabayad din naman daw sila, kapag nakaalis na ang anak nila. Paano magbabayad eh aalis na nga? Abroad. Kahit saang bansa, basta ‘wag lang dito sa Pilipinas. Kahit anong trabaho, basta ‘wag dito. Di ko rin sila masisi, nauumay na sila sa Ligo, gusto naman nila ng Maling.

Kabilang din ako sa mga kating kati nang “tumakas” sa lugar na ‘to. Dito, kung saan dumadaan ang mga naglalako ng taho, balut, binatog at aparador na hindi naman sila nakakabenta. Dito, na iniisip ng iba na walang ibang alam gawin ang mga kundi mag-inom, ma-high blood, at ma-stroke. Mula pa noong bata kami, nag-aaral kami para makatakas.

Last sem, napa-kunot na naman ang noo ko dahil kulang na naman ang units ko. Miyerkules lang din ang pwede ko pang singitan ng subject. Malakas na rin naman ang loob ko na matatanggap ako bilang prerog dahil matanda na ‘ko sa UP. Wala talaga sa plan of course work ko ang PoSc1 pero kinuha ko pa rin. Sayang nga lang dahil nitong sem lang din ako hindi na masyadong nakakapanood ng balita dahil sa dami ng ginagawa. Hindi ko tuloy masyadong nasakyan ang mga isyu gaya ng BJE at iba pa. “Wala akong ibang sandata kundi ang mag-aral ng mabuti.” “Bumaballik sila kung kailan hindi na sila mapapakinabangan ng Pilipinas.” Ayan. Mga linya ni Ma’am na unconsciously ay paulit-ulit kong naririnig. Kahit maingay ang buong paligid. O kahit walang nagsasalita. Pero naaamoy ko pa rin ang Maling. Naiisip ko na kung anong magiging lasa nun kapag “nakatakas” na ‘ko.

Mahilig akong maglaro ng basketball kahit mukhang wala na namang hilig sa akin yung laro. Sinubukan kong maglaro ng ibang sports. Nananalo naman ako kahit papaano pero mainipin talaga ako at hindi ko kayang maghintay ng matagal bago tumira ang kalaro ko ng chess, ganun din sa scrabble at maging sa Pusoy Dos o Tong’its. Kamakailan, nag-basketball ulit ako dito lang sa malapit sa amin. At parang tele-novela, naramdaman ko na doon pa rin ako magiging masaya. Dito ko rin nakilala si Kuya Paul, di niya masyadong tunay na pangalan. At totoo nga ang kasabihan, kung kailan mo hindi inaasahan tsaka dumadating ang pag-ibig, haha, joke lang. Nakalaro ko si Kuya Paul ng dalawang magkasunod na araw. Marami-rami na rin kaming napag-usapan noong panahon na yun: saan siya nakatira, bakit at paano. Hindi siya tulad ng mga iba kong nakalaro na puro kagulangan lang ang alam. Isa pa, hindi ko man ginusto, siya ang nag-paalis ng pagkatakam ko sa Maling. Isang pangungusap mula sa kanya na tumapos sa matagal kong pinag-isipan. “Eh di hindi ka mapapakinabangan ng Pilipinas?”

No comments: